Sa ika-6 na komemorasyon ng kamatayan ni Fr. Joe Dizon
Rochelle Porras, Executive Director
Ecumenical Institute for Labor Education & Research (EILER)
16 November 2019, De Meester Residence, Gate 2, D. Tuazon St., QC
FULL TEXT (modified following the homily of Fr. Wilfredo Dulay, MDJ)
“There is no good society without a good union, and there is no good union that isn’t reborn every day in the peripheries, that doesn’t transform the rejected stones of the economy into corner stone.” – Message of Pope Francis on the essential role of trade unions to protect and defend the dignity of work and rights of workers.
Nabasa ko sa artikulo ni Tonyo Cruz sa Manila Bulletin, nailathala noong November 4, 2016 ang mga katagang Fr. Joe Dizon, Chaplain of the Parliament of the Streets. Bagaman hindi ko nakilala o nakita man lang si Father Joe, hindi ko mapapalampas ang pagkakataong ito, nang ako ay imbitahan ng Churchpeople-Workers Solidarity bilang kinatawan ng EILER, na magbahagi ng pananalita para sa legacy ni Father. Ako at ang ilan sa mas nakakabata rito ay testimonya na nananatiling buhay at nananalaytay ang mga aral ni Father Joe. Isang karangalan para sa akin ang maging bahagi ng programang ito. Pagpugayan po natin ang mga taong-simbahan na hanggang ngayon ay kasama pa rin natin.
Nabanggit ni Father Wilfredo Dulay sa kanyang homiliya kanina, na may mga nagtatanong tungkol kay Father Jose ‘Joe’ Dizon – is there anything good that could come from Joe Dizon? Rebel priest, progressive priest, leftist… sa mga nakakakilala sa kanya, simple ang pagpapakatotoo sa di-pangkariwan: siya ay paring naglingkod sa hanay ng uring manggagawa. So, YES! So much good and greatness came from Fr. Joe.
Katunayan, 1960s-70s pa lamang ay aktibo na siyang nag-oorganisa ng mga pari at madre sa diwa ng Church’s social justice agenda. Ang homiliya ni Fr. Freddie ay nagsimula patungkol sa corruption at lawlessness. Ayaw na ayaw ni Fr. Joe sa nandaraya at nagnanakaw. Hindi naglaon, nilabanan ni Fr. Joe ang diktaduryang Marcos sa pamamagitan ng pag-oorganisa sa mga komunidad ng Kristiyano at pagtataguyod sa karapatan ng mga manggagawa, sa karapatang mag-organisa at mag-unyon.
Napaka-aktibo niya sa National Coalition on Peoples’ Rights at Justice For All movement noong dekada ’80, at naging susing tao rin siya sa dating Nationalist Alliance at sa pagkakatatag ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) noong 1985. Fast forward sa panahong medyo familiar na ang mga millenials na tulad ko, kasama natin siyang masikhay na kumilos para sa mga demonstrasyon kontra pork barrel.
Hindi nakakagulat na isa siya sa naging convenors ng election watchdog ng Kontra Daya, at nangalaga sa boto ng mga manggagawa at nagsulong ng labor agenda ng siya ay nasa EILER din, sa pamamagitan ng mga programang voters education. Gayundin, naging instrumental siya sa Plunder Watch sa panahon ni dating Pangulong Estrada. Lalong ayaw niya sa sumunod dito, si Gloria Macapagal-Arroyo, dahil sa napakatinding corruption, electoral fraud, at mas lumalang sitwasyon ng human rights violations.
Suki natin si Fr. Joe sa mga ecumenical prayers. Tunay na inilapit niya ang aral ng Panginoon sa mga manggagawa, at ang mga manggagawa sa mga mabubuting aral at bilin ng simbahan tulad nang ang ‘paggawa’ dapat ay hindi isang kaparusahan kundi ang nagbibigay ng dangal sa ating pagkatao. Si Fr. Si Joe ay tunay na kaalyado ng mga manggagawa; itinatag niya ang Workers Assistance Center, Inc. (WAC) noong 1995, isang programang socio-pastoral ng Most Holy Rosary Parish sa Rosario, Cavite at naglalayong magbigay ng suporta sa mga manggagawa sa Cavite Export Processing Zone (CEPZ). Nagsilbi rin siya bilang Chairperson ng Board of Trustees ng Ecumenical Institute for Labor Education and Research (EILER). Inspirasyon siya sa Churchpeople-Workers Solidarity. Wala na sigurong mas malinaw pa na ekspresyon ng pagkakaisa ng manggagawa at taong simbahan.
Bilang pagkilala sa di matatawarang ambag ni Fr. Joe sa pagsulong ng kapakanan ng mga manggagawa at maralita, siya ay ginawaran ng Tji Hak-Soon Justice and Peace Award in South Korea at isinama ang kanyang pangalan at alaala Bantayog ng mga Bayani Wall of Remembrance noong November 30, 2017.
Kung ating babalikan, mula ng siya ay mamulat, nasa komunidad na siya ng mga manggagawa. Isinabuhay niya ang aral ng ebanghelyo. Sa opisina man o sa simbahan, sa Timog Katagalugan, sa mga komunidad sa Novaliches at Caloocan, at sa maraming lansangan ng protesta, sa loob ng ilang dekada kung saan siya magmimisa at nakiisa sa mga manggagawa. Halos 40 taon ibinahagi niya ang kanyang buhay sa paglilingkod sa ating hanay.
Masayahin si Fr. Joe, nakangiti, kahit tingnan natin ang mga pictures niya sa mobilisasyon. Hawak niya ang placard pero may matamis na ngiti. Puno ng kasiyahan at tamis ang kanyang paglilingkod. Marahil minsan ay mapagbiro rin ang tadhana at siya kinuha nang magkasakit ng diabetes.
Sa ika-6 na taon ng paggunita sa kanyang kamatayan, ay ipinagdiriwang din natin ang kanyang buhay. Yakapin natin ang aral mula sa kanyang buhay-pakikibaka: na hindi tayo kailanman maaaring magsawalang-kibo sa anumang paglabag sa dignidad ng tao o mga batayang karapatan na pumo-protekta sa dangal ng ating buhay. May mahalagang papel ang mga taong-simbahan sa pagpapalaganap ng katwiran, kabutihan, at kapayapaang nakabatay sa katarungan, sa pagtatanggol ng mga api: ang simbahan ay para rin sa mga manggagawa, sa ating sambayan. At katuwang po ninyo ang EILER sa pagsasakatuparan nito.
Ngayong araw ay ang Global Day of Action Against Trade Union Repression, at ika-15 taong paggunita sa Hacienda Luisita Massacre. Hindi maikakailang tayo ay humaharap sa mas matinding pagsubok. Tulad ng paalala ni Fr. Freddie kanina sa kanyang homiliya, at sa diwa ng pag-ala-ala sa buhay at kamatayan ni Fr. Joe: “Respond to our true calling, to our true mission.”
Serve our Lord. Serve the People, struggle with the working class towards a more just and peaceful society. Mabuhay si Fr. Joe! Mabuhay ang kanyang legasiya! Mabuhay ang mga taong-simbahan buong pusong naglilingkod sa sambayan!
Sa puntong ito, hayaan ninyo po akong ibahagi ang isang bidyo ni Fr. Joe mula sa Kilusang Mayo Uno Youtube page. [Video]