Suma ng kalagayan ng mga manggagawang Pilipino sa ilalim ng apat na taon ni Noynoy Aquino
Hulyo 2014
Sa kanyang talumpati sa World Economic Forum (WEF), pagpupulong ng mga malalaking negosyante at burukrata ng iba’t ibang bansa na idinaos sa Makati noong Mayo, ibinida ni Pangulong Aquino ang pagkamit ng “inclusive growth” sa nakaraang apat na taon. Sa pananaw ng pangulo, nakinabang ang lahat ng sektor ng lipunan sa paglago ng ekonomiya dahil umano sa mga ipinatupad na reporma ng kanyang administrasyon.
Subalit sa perspektiba ng mga manggagawa at mamamayan, tanging malalaking negosyante at dayuhang namumuhunan lamang ang nakinabang. “Inclusive” lamang ang sinasabing paglago sa puntong isinangkalan ang mas maraming mamamayan para palaguin ang pribadong kapital. Ginatasan ang pwede pang gatasan, piniga ang pwede pang pigain, pinagtubuan ang pwede pang pagtubuan alinsunod sa balangkas ng neoliberalismo. Pinagbuhat ng trono ng mga kapitalista ang mas maraming manggagawa at mamamayan. Higit na binarat ang sahod para mas malaki ang ibulsa ng mga kapitalista habang walang preno ang pagsirit ng presyo. Nagpataw ng mga dagdag singil, at dinemolis ang mga komunidad ng maralita para tayuan ng mga condominium at iba pang gusali.
Sa hanay ng obrero, higit na naging sistematiko ang atakeng neoliberal sa sahod, trabaho at karapatan sa loob ng nakaraang apat na taon. Ipinatupad ni Noynoy ang mga anti-manggagawang programang nag-aastang repormang pangkaunlaran. Higit na pinaliit ang tunay na halaga ng sahod, pinasidhi ang kontraktwalisasyon at kawalang trabaho, at pinatindi ang atake sa mga unyon. Samantala, umarangkada ang mga malalaking negosyante tulad ni Henry Sy sa listahan ng “Forbes top billionaires.”
Sa kabila ng realidad na ito, ipinipilit ng administrasyong Aquino ang umano’y paglago ng ekonomiya para ipagtanggol ang Disbursement Acceleration Program (DAP) matapos ideklarang hindi konstitusyonal ng Korte Suprema ang DAP. Ayon kay Aquino, ginamit ang multi-bilyong pondo ng mamamayan sa ilalim ng DAP para sa mga proyektong pangkaunlaran. Subalit malinaw sa mga ulat na ginamit ang pondo bilang panuhol sa mga mambabatas o di kaya’y sa implementasyon ng mga proyektong pabor sa mga pribadong kumpanya at ilang grupo.
Dapat panagutin si Noynoy Aquino sa kanyang mga anti-manggagawang patakaran at lantarang pandarambong sa pinaghirapang pera ng mga manggagawa at mamamayan.
Atake sa sahod
Alinsunod sa doktrinang neoliberalismo, mahigpit na itinutulak ni Aquino ang deregulasyon sa palengke ng paggawa para atakehin ang sahod ng mga manggagawa sa iba’t ibang pamamaraan: pag-aalis ng anumang regulasyon na pumipigil sa mabilis na pagdausdos ng sahod, pag-aalis ng mga regulasyon na nagbibigay proteksyon sa trabaho tulad ng mga unyon, at pag-aalis ng mga hangganan ng oras ng trabaho.
Walang naging signipikanteng pagtaas sa tunay na halaga ng sahod ng obrero sa ilalim ng apat na taon ni Aquino. Bukod sa napakaliit ng umentong inaprubahan ng regional wage boards, sunud-sunod din ang pagtaas ng presyo ng mga batayang bilihin at serbisyo. Sa National Capital Region (NCR) halimbawa, tumaas ang nominal na daily minimum wage ng P62 mula P404 noong 2010 tungo sa kasalukuyang P466, o P62 na pinagsama-samang umento. Pero sa aktwal, tumaas lang ng halos limang piso ang tunay na halaga ng minimum na sahod sa NCR, mula P335.55 patungong P340.15 dahil sa implasyon. Ang P466 na minimum sa NCR ay 45 percent lamang ng tinatayang P1,051 family living wage.
Be the first to comment on "DAPat Managot: Apat na Taon ng Neoliberal na Atake sa Obrero sa ilalim ni Aquino"