Sa pana-panahong paglulunsad ng TU Tok, nilalayon nitong magbahagi ng impormasyon at karanasan sa hanay ng pakikibaka para paigtingin ang laban sa regularisasyon sa trabaho at sa kampanya sa makabuluhang dagdag-sahod at karampatang benepisyo.
Espesyal ang TU Tok nitong Agosto 14, 2017 sapagkat kahit sandali, ay pormal na gugunitain ang ika-114 anibersaryo ng kapanganakan ni Ka Bert, dakilang unyonista, edukador, at lider-manggagawa. Sa unang bahagi ng programa, ibinahagi ni Ka Bong ng Kilusang Mayo Uno ang makulay na buhay ni Ka Bert, at ang kanyang makasaysayang ambag sa kilusang paggawa sa daigdig. Sa pagbaybay sa kasaysayan, nagdaan sa madilim na karanasan ang kilusang paggawa at isa sa mga pinatampok ng buhay ni Ka Bert ay ang masikhay at pursigidong pagbabalik-tanaw at malalim na pag-aaral sa mga batayang prinsipyo ng pambansang demokrasya at sosyalismo. Ito mismo ang nagliliyab na diwa ng bawat educational discussion, ED Festival at forum na inilulunsad ng EILER.
Sinundan ito ng diskusyon sa kasalukuyang kalagayan ng paggawa sa bansa, sa pangunguna ni Ka Omeng. Layuning mapalalim ang pag-unawa ng mga manggagawa sa mga salik at atakeng neoliberal na nakakaapekto sa kalagayan ng mga manggagawa. Binigyang-diin din sa TU Tok na ito ang isa sa mga tagubilin ni Ka Bert: ang masigasig na itulak ng mga repormang pabor sa mga manggagawa at magsasaka. Bilang hakbang-pasulong sa legal na pakikibaka, nagkaroon din ng talakayan tungkol sa dalawang progresibong panukalang batas na nakasalang ngayon. Sa naging buhay ni Ka Bert sa Malayang Samahang Magsasaka o MASAKA at kahit pa noong ito’y nahati, ipinagpatuloy niya ang pakikisalamuha sa mga magsasaka at pagiging aktibong bahagi ng kilusang agraryo. Higit kailanman pa man, ay di dapat mapatid ang alyansang manggagawa-magsasaka.
Sa hapon ding iyon ay nagpaunlak si KaTonying ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas na pangunahan ang diskusyon hinggil sa House Bill 555 o Genuine Agrarian Reform Bill (GARB). Gayundin naman si Atty. Noel Neri ng PLACE, na nagbabahagi ng impormasyon tungkol sa House Bill 556 o Regular Employment Bill.
Malugod din nagpapasalamat ang EILER sa May Day Multimedia at naipalabas ang video-documentary na “Kontrata.” Pinupukaw ng video-docu ang isip ng mga manonood at hinikiyat nito na palaganapin pa ang laban sa kontraktwalisasyon at iba pang atake sa seguridad sa trabaho at sa nakabubuhay na sahod ng manggagawa.
Nagpaunlak din ang mga magigiting na kasama sa Samahan ng Manggagawa ng Golden Fortune at Samahang Manggagawa sa Harbor Centre na magbigay ng testimonya at pagtibayin ang ating panawagan na magpukaw, mag-organisa, at magmobilisa para sa tunay na pagbabagong panlipunan.
Mabuhay si Ka Bert! Mabuhay ang uring manggagawa! Manggagawa at magsasaka, magkaisa! Lupa, sahod, trabaho at karapatan, ating ipaglaban!