Para sagarin ang pagtutulak ng neoliberal na globalisasyon sa mga bansa sa Asya-Pasipiko, idaraos ang Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Economic Leaders’ Meeting sa darating na ika-18 at 19 ng Nobyembre sa Maynila. Lalahukan ang pulong ng mga pinuno at ministro ng 21 ekonomiya sa Asya-Pasipiko at mahigit 400 na mga malalaking kapitalista. Bitbit ang temang “Building inclusive economies, building a better world,” layunin ng pagpupulong na itulak ang mga hakbangin at patakaran para padaliin ang pagnenegosyo, ibayong pagbuyangyang ng mga ekonomiya sa dayuhang kapital, at pagbaklas sa mga natitirang regulasyon sa mga korporasyon.
Hindi nasasaad sa tema na tanging ang mga malalaking korporasyon ang makikinabang sa mga patakarang pag-uusapan habang higit na maghihirap ang mga manggagawa at mamamayan. Lilikha sila ng mas magandang mundo – hindi para sa mga manggagawa at iba pang uri at sektor kundi para sa malayang pagdaloy ng kapital.
Tiyak na gagamitin ni Noynoy Aquino ang okasyon para ibida ang umano’y mabilis na paglago ng ekonomiya sa ilalim ng kanyang administrasyon at ang tiwala ng internasyunal na komunidad sa kanyang pamumuno. Ang totoo, inilalantad ng pag-host ng Pilipinas sa APEC ang sagarang pagkatuta ng rehimeng Noynoy Aquino sa neoliberal na dikta ng mga dayuhang monopolyo, at ang pagiging ehemplo ng kanyang rehimen sa lantarang pagyurak sa karapatan ng mga manggagawa at mamamayan para magbigay-daan sa interes ng kapital.
Maluhong pista-seryeng neoliberal
Bago ang mismong APEC ministerial meeting ay sunud-sunod ang mga pagpupulong para pag-usapan ang iba’t ibang paksa na nakatono sa pagpapadali ng pagnenegosyo at pagpapalamuti sa neoliberal na globalisyon. Mula sa nakaraang taon hanggang ngayong Oktubre, nagkaroon ng mga desentralisadong pulong sa Boracay, Cebu, Iloilo at iba pang syudad na tila pista-serye para itambol ang mga neoliberal na patakaran. Kabilang sa mga pinag-usapan ang integrasyon ng mga maliliit na negosyo (small and medium-scale enterprises o SMEs) sa global supply chain, public-private partnership (PPP) na pinabangong katawagan sa pribatasyon, at “structural reform” kaugnay ng pagpapadali ng pagnenegosyo sa mga bansang saklaw ng APEC.
Kakatwa na nagaganap ang mga maluluhong pulong – na ginastusan ng P10 bilyon ng gobyernong Aquino – sa konteksto ng paparaming naghihirap na Pilipino, paparaming walang trabaho, papaliit na badyet sa state universities and colleges (SUCs), nagpapatuloy na pribatisasyon ng mga batayang serbisyo, malawakang pangangamkam ng lupa mula sa mga magsasaka, at dislokasyon ng mga maralitang tagalungsod. Ito mismo ang resulta ng mga patarakang isinulong ng APEC sa bansa, taliwas sa pangakong magiging maunlad at industrialisado ang Pilipinas. Matatandaan na matapos ang unang APEC ministerial meeting sa Pilipinas noong 1996, umarangkada ang pribatisasyon ng mga ospital, ng tubig, at kalaunan ay kuryente. Inudyok ang APEC ang pagsandig sa mga dayuhang korporasyon upang makalikha ng trabaho, gayundin ang liberalisasyon ng agrikultura at manupaktura na nagdulot ng pagbaha ng murang imported na produkto. Nangagsara ang maraming lokal na kumpanya na nagresulta sa malawakang tanggalan. Naging malaganap ang pangangamkam ng lupa ng mga dayuhang korporasyon para palakihin ang produksyon ng agrikultural na produktong pang-eksport.
Sa pagpapatupad ng liberalisasyon sa kalakalan, lalong nalubog ang Pilipinas sa kronikong depisito sa kalakalan. Lubhang nalugi ang bansa sa pagluluwas ng mga murang hilaw na materyales at mga mala-manupakturang kagamitan na may mababang dagdag na halaga sa isang banda, at sa pag-aangkat ng mga produktong pangkonsumo at mga input sa produksyon na may mataas na dagdag-halaga tulad ng langis at makinarya.Higit na mas mataas ang presyo ng mga kalakal na inaangkat kaysa mga kalakal na ineeksport. Pinalala pa ito ng debalwasyon ng piso kontra dolyar. Kabilang ang APEC sa nagtulak ng mga di-pantay na kasunduang pangkalakalan kasama ng World Trade Organization (WTO). Nagkaroon lamang ng bahagyang pag-angat sa balanse sa kalakalan matapos ang 1997 Asian financial crisis (1998-1999) dahil tumumal ang importasyon mula sa mga bansang naapektuhan ng krisis. Nitong 2014, nasa US$62.1 bilyon ang kabuuang halaga ng exports samantalang US$65.4 bilyon ang kabuuang halaga ng imports, na nagreresulta sa depisito na -US$3.3 bilyon. Mainam na batayan ang depisito na udyukan ang isang bansa na mangutang sa mga multilateral na organisasyon at mayayamang bansa.
Nagdulot ang pagbaha ng murang imported na yaring produkto at pagsandig sa eksports ng direktang kompetisyon sa maraming lokal na kumpanya. Pinaigting ang presyur sa mga lokal na kumpanya para higit pang paliitin ang gastusin sa sahod ng mga manggagawa. Lalong ipinagkait ang makabuluhang dagdag sa sahod ng mga manggagawa at pinasahol ang pleksibilisasyon sa paggawa kabilang ang kontraktwalisasyon para umano manatiling “competitive” ang mga lokal na empresa. Hindi nakapagtataka na halos nakapako ang tunay na halaga ng sahod sa ilalim ng neoliberal na globalisasyon. Nagdulot din ang liberalisasyon sa kalakalan ng kaliwa’t kanang pagsasara ng mga pagawaan at malawakang tanggalan ng mga manggagawa.
Matapos itatag ang APEC noong 1989, kapansin-pansin din ang pagdami ng mga free trade agreements (FTAs) o kasunduan sa kalakalan kaalinsabay ng pag-arangkada ng neoliberalismo sa maraming bansa kabilang ang Pilipinas. Sa pagkatatag ng WTO noong 1995 at kalauna’y pagkabalam ng negosasyon sa Doha noong 2001, naging esensyal ang papel ng APEC para itulak ng US at Japan ang mga di-pantay na kasunduan kaugnay ng liberalisasyon ng agrikultura at manupaktura ng mga mahihirap na bansa sa Asya-Pasipiko, pagtatanggal ng mga subsidiya sa eksport, pagtanggal ng mga taripa at buwis sa import. Nagdulot ang mga FTA na ito ng kumbersyon ng mga lupa para sa produksyon ng cash crops, dislokasyon ng mga magsasaka, malawakang tanggalan at pagsasara ng mga maliliit na kumpanya, pagbaha ng mga imported na yaring produkto, at pagkabansot ng agrikultura at industriya ng mga mahihirap na bansa.
Sa esensya, walang bago sa adyendang bitbit ng mga ministro at negosyo sa APEC 2015 ministerial meeting. Sentral na pokus pa rin ang liberalisasyon sa kalakalan, pagpapaunlad ng pribadong sektor, pagpapadali ng pagnenegosyo, pagbibigay ng insentiba sa mga dayuhang namumuhunan, pagbibigay ng eksempsyon sa buwis sa mga korporasyon, at pagtatanggal ng mga regulasyon sa sahod at empleyo. Gumamit lang sila ng bago ngunit payak na termino: “Structural Reform”bilang programa umano para sa lahatang panig na pag-unlad ng mga bansang miyembro ng APEC.
Mito ng ‘Structural Reform’
Nitong ika-8 Setyembre, idinaos sa Cebu City ang Structural Reform Ministerial Meeting na dinaluhan ng mga matataas na opisyal ng mga bansang miyembro ng APEC. Idiniin ang halaga ng Renewed Agenda for APEC Structural Reform (RAASR) na itataguyod ng mga miyembrong bansa lampas ng 2015. Itinutulak ng RAASR ang mga sumusunod:
• Proteksyon ng intellectual property rights bilang garantiya sa pagtubo ng mga korporasyon
• Higit na paglahok ng pribadong sektor sa imprastraktura sa porma ng public-private partnership (PPP)
• Higit na pagbubukas sa sektor ng serbisyo sa dayuhang kapital at pagtuturing sa sektor bilang susing tagalikha ng trabaho
• Pagtataguyod ng “Good Regulatory Practices” at paggamit ng mga internasyunal na ligal na instrumento at mekanismo na magproprotekta sa mga korporasyon mula sa regulasyon ng estado
• Pagbaklas ng mga natitirang na ligal na hadlang sa liberalisasyon
• Partisipasyon ng mga micro, small and medium-scale (MSME) na mga negosyo sa global supply chain (higit na gagawing bulnerable sa pandaigdigang krisis ang lokal na ekonomiya)
• Pagtataas ng 10% sa Ease of Doing Business indicator sa lahat ng ekonomiyang saklaw ng APEC – para makamit ito, kailangang mas madali ang pagpasok at pagnenegosyo ng mga dayuhan, mas madali ang pagkuha ng permit sa konstruksyon, mas maluwag ang kalakalan, mas madaling makapangutang ang mga korporasyon, at may garantiya sa pagpapatupad ng kontrata)
Batay sa inilahad na adyenda, malinaw na naka-direksyon ang gaganaping APEC ministerial meeting sa pagtitiyak ng mas masahol na pagpapatupad ng neoliberal na globalisasyon sa Asya-Pasipiko. Malinaw sa laman ng RAASR na ang pangunahing diin nito ay proteksyunan ang interes ng kapital, alisin ang mga natitirang hadlang sa malayang pagdaloy ng kapital, pagpapahina sa regulasyon ng estado, at paghigop ng mas malaking rekurso mula sa mahihirap na bansa. Ang tinutukoy na reporma ay hindi pagbabago sa mga struktura kundi pagpapalakas sa mga umiiral na mekanismo na pabor sa kapital.
Malinaw din sa RAASR na higit na palalawigin ang kapangyarihan ng mga malalaking korporasyon sa pamamagitan ng pagtataguyod ng intellectual property rights, pagpapalawig ng bisa ng mga patent, at pagtataguyod ng international courts at corporate courts bilang mekanismo para kwestiyonin ng mga korporasyon ang ligalidad ng mga regulasyon ng isang gobyerno (halimbawa sa minimum wage, sa pgbubuwis, at sa pagtatayo ng negosyo). Pinaiibabaw ang “karapatan” ng mga korporasyon sa mga umiiral na regulasyon ng estado at karapatan ng mamamayan sa batayang ang pribadong sektor umano ang pangunahing salik sa kaunlaran ng isang bansa.
Partikular sa manggagawa at mamamayan, walang ibang idudulot ang RAASR kundi mas malaganap na tanggalan, kontraktwalisasyon at mababang pasahod, mas mataas na singil sa batayang serbisyo at transportasyon bunga ng pribatisasyon ng imprastraktura at mayor na transportasyon, at mas masahol na dislokasyon ng mga komunidad bunga ng prayoridad sa mabilis na pagtatayo ng mga negosyo at proyekto. Magkakaroon ng mas matinding presyur sa mga maliliit na negosyo na tipirin ang gastusin sa sahod at kalauna’y magtanggal ng mga manggagawa para maging “competitive” sa pandaigdigang antas. Higit sa lahat, lalong pahihinain ang regulasyon ng estado sa pribadong sektor, at dahil dito’y higit na magiging mahirap ang pagpapanagot sa mga korporasyon sa kanilang paglabag sa mga batayang karapatan ng mga manggagawa at mamamayan.
Malakas ding itinutulak ng APEC ang pag-usad ng negosasyon sa World Trade Organization (WTO), na siyang pangunahing nagtulak ng liberalisasyon ng kalakalan sa maraming bansa na pumilay sa agrikultura at manupaktura ng maraming mahihirap na bansa kabilang ang Pilipinas. Ayon sa pahayag ng mga ministro mula sa pulong nitong Mayo sa Boracay:
“We reaffirm the value, centrality and primacy of the multilateral trading system under the auspices of the WTO in promoting trade expansion, economic growth, job creation and sustainable development, as well as in supporting developing economies to integrate into the global trading system.”
Trans-Pacific Partnership Agreeement (TPPA)
Kaalinsabay ng pagpapatampok sa WTO, tiyak na pag-uusapan ng mga ministro at negosyo sa darating sa APEC 2015 meeting ang Trans Pacific Partnership Agreement (TPPA), isang di-pantay na kasunduang pang-ekonomiya na pangunahing isinusulong ng Estados Unidos. Itinuturing na haligi ang TTPA ng patakarang pang-ekonomiya ng imperyalismong US sa Asya-Pasipiko na magtitiyak ng pagtatambak ng mga produktong galing US patungo sa maraming bansa sa rehiyon. Bahagi ang TPPA ng istratehiyang “Pivot to Asia” ng US, na layuning kontrahin ang ekspansyong pang-ekonomiya at pangmilitar ng Tsina. Bukod sa US, kabilang sa negosyasyon ang Canada, Mexico, Chile, Peru, Malaysia, Vietnam, Australia, New Zealand, Japan, Brunei, at Singapore. Nagpahayag ng interes ang ibang bansa tulad ng Pilipinas kaugnay ng paglahok sa serye ng sikretong negosasyon.
Laman ng burador ng TPPA ang mga probisyon hinggil sa pagtatanggal sa mga natitirang hadlang sa dayuhang pamumuhunan, striktong pagpapatupad ng batas hinggil sa intellectual property na magreresulta sa mas mahal na gamot at pagkamatay ng lokal na industriya, at mekanismo para makapagsampa ng kaso ang mga korporasyon laban sa gobyerno sa isang international tribunal. Mapapansin na ka-tono ang TPPA ng itinutulak sa RAASR.
Pinakamasahol na aspeto ng TPPA ay ang probisyon hinggil sa Investor State Dispute Settlement (ISDS), kung saan maaring kasuhan ng mga korporasyon ang gobyerno sa isang international court pribadong korte (tinatawag minsan na “corporate courts”) sa batayang nakakasagabal ang regulasyon ng estado sa malayang pamumuhunan at operasyon ng negosyo. Sa ilalim ng ISDS, hindi na kailangang dumaan ng mga korporasyon sa lokal na korte at administratibong proseso. Maari silang dumiretso sa isang pribadong korte na binubuo ng hukom at mga arbiter. Laman ang ISDS sa ilang umiiral na mga kasunduan sa kalakalan at iba’t ibang bansa.
Halimbawa, kinasuhan ng Philip Morris ngayong taon ang gobyerno ng Australia dahil sa pagsasabatas ng mandatoryong paglalagay ng malalaking babala sa kalusugan (graphic health warnings) sa lahat ng produktong tabako. Umabot na sa $50 milyon ang kompensasyon na hinihingi ng Philip Morris, bunga ng kasong isinampa ng subsidiary nito sa Hong Kong. Sa isang pang halimbawa, kinasuhan ng kumpanyang Pranses na Veolia ang gobyerno ng Egypt noong 2012 dahil inaprubahan nito ang pagtataas ng minimum na sahod ng mga manggagawa mula $56 patungong $99. Nakabatay ang kaso sa bilateral investment agreement sa pagitan ng Egypt at France at sa kontrata sa pagitan ng Veolia at gobyerno ng Alexandria (isang syudad sa Egypt). Iginigiit ng kumpanyang Veolia ang kompensasyon na EUR 82 milyon mula sa gobyerno ng Egypt dahil umano hindi saklaw ng kontrata ang pagbabayad sa mas mataas na sahod sa mga manggagawa.
Patunay ang mga naturang kaso na higit na palalawigin ang kapangyarihan ng mga korporasyon sa ilalim ng TPPA – sa puntong na kaya nilang sampahan ng kaso ang mga gobyerno, igpawan ang mga umiiral na ligal na regulasyon, at gatasan ang mga mamamayan nito.
Bukod sa TPPA, tiyak na tatalakayin din ng mga ministro ang Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) na baraha ng Tsina para itaguyod ang dominasyon nito sa kalakalan sa rehiyon. Layunin ng RCEP na pahigpitin ang ugnayan ng mga merkado ng Tsina, Japan, India at mga ekonomiyang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) kabilang ang Pilipinas para bumuo ng regional supply chain na dominado ng Tsina.
Para pagtakpan ang anti-manggagawa at anti-mamamayang adyenda ng APEC 2015, pinatatampok sa mga pulong ang mga palamuting tema kaugnay umano ng lahatang-panig na pag-unlad ng ekonomiya o inclusive growth. May serye ng pulong kaugnay ng mas aktibong paglahok ng kababaihan sa ekonomiya, paglikha ng trabaho para sa mga may kapansanan, at ang pagbibida sa mga SMEs o maliliit na negosyo bilang mahalagang salik ng paglago ng ekonomiya.
Pagkatuta ni Aquino
Tulad ng inaasahan, pangunahing tagapagsalita ng imperyalismong US ang rehimeng Aquino sa mga ginanap na APEC 2015 dialogues sa Boracay, Cebu at Iloilo para itaguyod ang liberalisasyon, pribatisasyon at deregulasyon. Pinangunahan ng Gabinete ni Noynoy Aquino ang paghahapag ng mga adyendang neoliberal sa mga pulong, partikular ang APEC Services Cooperation Framework na patungkol sa liberalisasyon ng sektor ng serbisyo, kabilang ang mga serbisyong pangkalikasan. Isinusulong ngayon ng rehimeng Aquino ang nasabing Framework para higit na ibuyangyang ang sektor ng serbisyo ng iba’t ibang ekonomiya sa Asya-Pasipiko. Kasama sa itinutulak ng Framework ang pagpapababa ng taripa sa mga “environmental goods” kabilang ang mga wind turbines, solar panels, at waste water purifying equipment. Dagdag dagok ito sa lokal na ekonomiya na nagsisimula pa lang linangin ang sariling kakayahan para makapagprodyus ng renewable energy o enerhiyang hindi nakaasa sa langis.
Bukod dito, pinangunahan din ng rehimeng Aquino ang pagtutulak sa Cebu Action Plan, isang kasunduan kaugnay ng integrasyon ng sektor ng pinansya ng mga ekonomiyang saklaw ng APEC. Nangangahulugan ito ng higit na pagpasok ng dayuhang kapital sa mga lokal na bangko, o mismong pagpasok ng mas maraming dayuhang bangko sa iba’t ibang bansa sa Asya-Pasipiko. Tiyak na magreresulta ito sa mas matinding konsolidasyon ng kapital sa iilang malalaking bangko, pagkalusaw ng maliliit na bangko gaya ng rural banks, malawakang tanggalan at kontraktwalisasyon sa hanay ng mga empleyado sa sektor ng pinansya at pagbabangko, at mas mataas na bulnerabilidad ng mga lokal na ekonomiya sa epekto ng pandaigdigang krisis.
Kalye-serye kontra APEC
Sa mata ng malalaking korporasyon at mga ganid na burukrata, napakainam na okasyon ang APEC para itulak muli ang neoliberal na adyenda sa mga bansa sa Asya-Pasipiko – na kumakatawan sa mahigit 50 percent ng kabuuang ekonomiya ng daigdig. Para sa mga manggagawa at mamamayan, mainam na pagkakataon ito para ilantad ang bangkaroteng modelo ng neoliberalismo at labanan ang mga panibagong opensiba sa karapatan at kabuhayan. Matindi ang pangangailangan na pangunahan ng mga manggagawa ang kalye-serye ng mga protesta na maglalantad sa adyenda ng APEC at hihimok sa mas maraming mamamayan para labanan ang mga patakarang neoliberal na ipinatutupad ng rehimeng Aquino. Kailangan din ang mahigpit na koordinasyon sa mga manggagawa at mamamayan sa ibang bansa para ilantad at labanan ang sagarang pagpapalawig ng kapangyarihang korporeyt sa mga serye ng pulong ng APEC.