₱200 umento sa sahod, hindi ikalulugi ng mga negosyo

Nanindigan ang isang pangmanggagawang NGO na hindi ikalulugi ng mga negosyo ang panukalang PhP 200/araw na umento sa sahod. Ito ay reaksyon sa pagtanggi ng Senado na isumite sa Bicameral Conference ang naturang panukala na nagresulta sa tuluyang pagkabasura nito sa ika-19 na Kongreso.

“Sa harap ng nagtataasang presyo ng mga bilihin, hindi katanggap-tanggap ang ginawa ng Senado na pagwawalang-bahala sa PhP 200 na panukalang umento sa sahod,” saad ni Renan Ortiz, Tagapangulo ng Ecumenical Institute for Labor Education and Research (EILER).

Noong 1989 pa huling nagpasa ang Kongreso ng dagdag sahod mula PhP 64 patungong PhP 89 kada araw. Mula nito, napasakamay na ng regional wage boards ang pagtatakda ng minimum wage rates kada rehiyon sa bisa ng Wage Rationalization Act of 1989.

“Ginagamit na argumento ng malalaking korporasyon na ikalulugi di-umano ng mga maliliit na negosyo ang panukalang umento sa sahod. Gayunman, maliit na porsyento lamang ng gastos ng micro, small, and medium enterprises (MSMEs) ang nakalaan sa sahod,” dagdag ni Ortiz.

Gamit ang datos mula sa Annual Survey of Philippine Business and Industry 2022 ng Philippine Statistics Authority, natuos ng EILER na mababawasan lamang ng 14% ang tubo o net profit ng mga kompanya sa bansa kung ipatutupad ang PhP 200 umento sa sahod. Partikular, ang net profit ng large enterprises ay mababawasan lamang ng 13% samantalang 17% para sa micro enterprises. Giniit ng EILER na responsibilidad ng pamahalaan ng tulungan ang mga maliliit na negosyo na makatugon sa makabuluhang umento sa sahod sa pamamagitan ng wage subsidies.

“Mali rin ang sinasabi ng mga malalaking korporasyon na natural na resulta ng umento sa sahod ang pagtaas ng presyo. Mangyayari lamang ito dahil ipapasa ng mga korporasyon sa consumer ang dagdag gastos mula sa umento sa sahod. Ibig sabihin, tataas ang presyo hindi dahil sa umento sa sahod mismo kundi dahil sa interes ng malalaking korporasyon na mapanatili ang laki ng kanilang tubo. Sa katunayan, hindi pa tumataas ang sahod, matarik na ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin,” paglilinaw ni Ortiz.

Dagdag din ng EILER na ang signipikanteng pagtaas ng sahod ay magbibigay ng kakayahan sa mga manggagawang makabili at makaakses sa mas maraming produkto at serbisyo na siya ring makapagpapasigla sa ekonomiya.

“Ipinapanawagan namin sa mga bubuo ng ika-20 Kongreso at kay Pang. Ferdinand Marcos Jr. na gawing priority bill ang makabuluhang dagdag sahod at tanawing maabot ang nakabubuhay na antas.

Karapatan ng mga manggagawang nagpapatakbo sa ating ekonomiya na tumamasa ng disente at nakabubuhay na sahod,” pangwakas ni Ortiz.