Sa pandaigdigang pagdiriwang ng ika-200 kaarawan ng dakilang edukador, dalubhasa sa kasaysayan at pilosopiya, at isa ring detinadong pulitikal, Karl Marx (May 5, 1818), ay pinagpupugayan natin ang mga manggagawa. Si Marx ang sumulat ng mga pinakamahahalagang akda at talumpati sa kasaysayan ng pakikibaka at tunggalian ng mga uri: Sahurang paggawa at Kapital (1847), Communist Manifesto (1848), Ang Kapital: Kritika ng Ekonomiyang Pampulitika Unang Bahagi (1859), Halaga, Presyo at Tubo (1865), at marami pang iba. Hindi matatawaran ang napakahalagang ambag ng kaisipang Marxismo sa kritikal na pagsusuri ng konkretong kondisyon ng ating lipunan at pagbibigay-diin sa makasaysayang papel ng manggagawa.
Ang mga teorya ni Marx sa pampulitikang ekonomiya at lipunan, o kaisipang Marxismo ang nagpalaya sa maraming bansa. Si Marx ang puso at diwa ng International Workingmen’s Association (Unang Internasyunale), isang pandaigdigang samahan ng mga proletaryado. Pangunahing naging panawagan ng IWA sa unang Kongreso nito noong 1866 ay pababain sa walong oras ang oras ng paggawa ng lahat ng manggagawa. Ito rin ay binigyang-halaga ni Marx sa Das Kapital. Isinulong din ng unang Kongreso ang proteksyon para sa mga manggagawang kababaihan, pagpawi sa child labor, at ang pagtataguyod ng mga unyon ng mga manggagawa.
Sa Pilipinas naman ay pinangunahan ng anti-imperyalistang Union Obrero Democratica de Filipinas (dating Union Obrera Democratica), ang unang pederasyon ng mga manggagawa sa bansa, ang pagdiriwang ng unang Labor Day noong 1903 sa pamamagitan ng militanteng paggiit ng soberanya ng bansa at mga karapatan sa ekonomiya ng manggagawa, kabilang ang 8-oras na paggawa. Libu-libong manggagawang Pilipino ang nagmartsa mula Plaza Miranda patungong Malacañang at naglunsad ng demonstrasyon sa kabila ng mapanlinlang na deklarasyon ng gubyernong kolonyal ng US na ang UODF ay ilegal.
Noong 1913, ipinagpatuloy ng mamamayang Pilipino ang adhikain ng UODF na iangat ang mga pamantayan ng paggawa para sa mga manggagawa. Sa panahon ng kolonyal na paghahari ng US sa Pilipinas, ang mga kumpanya ay nagpapataw ng 12-oras na araw ng trabaho. Ang mga militanteng manggagawa ang walang humpay na nagtulak ng pagpapababa ng oras ng paggawa sa 8-oras, mga karapatan ng mga babaeng manggagawa, pagpawi ng child labor, at pananagutan mula sa mga kapitalista. Nanguna sa pakikibaka ang mahusay na lider-manggagawa at unyonista na si Felixberto Olalia, Sr. o Ka Bert. Aktibo ring nakipag-usap si Ka Bert sa mga mambabatas noong 1934 upang pagtibayin ang 8-oras kada araw na trabaho na kasalukuyang nakatakda sa Batas Paggawa o Labor Code na pinagtibay noong Mayo 1, 1974.
Ang kahalagahan ng kalayaan sa pagbuo ng organisasyon, pagsapi sa unyon at kolektibong pakikipag-negosasyon (freedom of association at right to collective bargaining) ay pinagtibay sa konstitusyon at sa pinakaunang kapulungan ng International Labour Organization noong 1919 (CO01), Freedom of Association and Protection of the Right to Organise Convention, 1948 (CO87), Right to Organise and Collective Bargaining Convention, 1949 (No. 98), Workers’ Representatives Convention, 1971 (CO135), Rural Workers’ Organisations Convention, 1975 (CO141), Labour Relations (Public Service) Convention, 1978 (CO151) at sa 1998 Declaration on Fundamental Principles and Rights at Work. Ito rin ay kinikilala bilang isang batayang karapatan sa 1948 Universal Declaration of Human Rights.
Ang pagpapababa sa panahon ng paggawa kada araw sa walong oras ay kinilala rin sa Hours of (Industrial) Work sa unang kapulungan noong 1919 at sinundan sa Hours of Work (Commerce and Offices) Convention, 1930 (CO30), Forty-Hour Week Convention, 1935 (CO47). Pinatotohanan nito ang mahabang pakikibaka ng mamamayan hinggil sa makataong oras ng pagtatrabaho sa anumang industriya, at ang batayang karapatan sa pag-uunyon.
Ang gubyerno ng Pilipinas ay nagratipika sa mga nabanggit na conventions, maliban sa CO30, CO47 at CO135. Gayunpaman, ang karapatan sa pag-uunyon at 8-oras na paggawa ay binibigyang-diin sa Labor Code. Ang mga karapatan sa nakabubuhay na sahod, karampatang benepisyo, kalusugan (oras para sa pahinga), at ang pag-uunyon ay batay sa makasaysayang tagumpay sa ligal at extra-ligal na pakikibaka ng uring manggagawa sa buong mundo.
Tunay na nanindigan si Ka Bert sa kaisipang Marxismo at patuloy niyang ginampanan ang buhay na praktika ng makauring pakikibaka. Nananalaytay ang aral ng Marxismo sa iba’t-ibang bansa ngayong ika-21 siglo. Kaya naman wasto at napapanahon na muling ilunsad ng EILER ang Felixberto Olalia, Sr. Workers Formation School at ang kursong Pagpapahusay sa kaalamang sosyo-ekonomiko ng mga manggagawa at unyon (PASEMUNO). Sumasalamin ang mga paksa ng kurso sa mga aralin sa ekonomiya: I. Sahod, Presyo at Tubo. II. Ang Neoliberalismo, at III. Ang Imperyalismo.
Si Felixberto Olalia, Sr. ay isinilang sa maralitang pamilya at sa murang edad ay nagsimulang magtrabaho sa isang pabrika. Sa edad na 17 ay naging kalihim siya ng unyon ng mga manggagawa ng tsinelas at sapatos. Naging tagapangulo siya ng kaniyang unyon at tulad ng nabanggit ay nakibaka para sa walong oras na paggawa, mula sa 12 oras o higit pa. Hinubog ni Ka Bert ang kanyang sarili sa pakikibaka ng uring manggagawa. Palagiang bilin ni Ka Bert ang masikhay na hikayatin ang mga unyonista na maglunsad at pangunahan ang malalim na pag-aaral sa mga isyu ng lipunan. Ang mga pag-aaral na ito ay dapat ibinabahagi sa ating mga komunidad at lugar-pagawaan upang tuloy-tuloy na mamulat ang mga manggagawa sa kanyang papel sa pagpapalaya ng uring pinagsasamantalahan at mahalagang tungkuling pamunuan ang pagtatag ng sosyalistang lipunan.
Sa kasalukuyan ay may hamon sa atin: lubhang napakababa ng sahod ng mga manggagawa at sagad-sagaran ang pagsasamantala ng mga kapitalista. Damang-dama ito sa kakarampot na sahod, mala-aliping oras ng paggawa, kakulangan ng disente at regular na trabaho, at kawalan ng batas na nagtataguyod ng kalusugan at kaligtasan sa paggawa. Sa kanayunan ay malaganap ang mala-pyudal na pagsasamantala sa mga manggagawa sa agrikultura: pangangamkam ng lupa at pang-aalipusta ng mga nag-aari ng mga plantasyon, hacienda, at minahan. Nariyan din ang iba’t-ibang porma ng lantarang pagbuwag sa mga organisasyong pangmanggagawa gaya ng pagbabawal sa pag-uunyon, pagsabotahe sa CBA, at paninira sa mga lider-manggagawa. Patuloy mang lumalala ang pang-aapi sa mamamayan, kaakibat naman nito ang mas umiigting na pakikibaka ng uring manggagawa para sa panlipunang hustisya.
Ang FOSWFS ay naglalayong pagibayuhin ang pag-aaral ng kasalukuyang kalagayan at krisis ng bansa at daigdig. Sa pamamagitan ng kursong PASEMUNO ay magagagap ng mga mag-aaral ang mga batayang kaalamang nagpapagulong sa isang lipunang kapitalista, ang kasaysayan nito, ang pag-unlad at kalakaran sa kasalukuyang panahon.
Pinagpupugayan namin ang mga manggagawa, edukador, at ang mga tagapamandila ng tunay at militanteng unyonismo. Pag-aralan natin at itaguyod ang makauring teorya at praktika. Gamitin natin ito bilang gabay sa pagpapalaya ng uring manggagawa!
Pagbati sa mag-aaral na bumubuo sa batch Marx200! Mabuhay ang uring manggagawa!